
Matagumpay na isinagawa ng Procurement Service–Department of Budget and Management (PS-DBM) ang PS-DBM on Wheels (PoW) sa Quezon City noong Hunyo 23, 2026 sa QC Experience, Quezon Memorial Circle, kung saan inilapit nito sa mga ahensiya ng pamahalaan sa Metro Manila ang mga abot-kayang Produkto at abot-kamay na Serbisyo.
Batay sa datos ng Warehousing and Delivery Division, nakapagtala ang aktibidad ng kabuuang benta na nagkakahalagang ₱25.6 million mula sa pinagsamang pre-order at walk-in transactions. Kabilang sa mga pinakamabiling common-use supplies and equipment (CSE) ang multicopy papers, A4 at legal sizes; ethyl alcohols, 1 gallon; disinfectant sprays; at expanding envelope, kraft.
Hindi lamang client-agencies sa loob ng Metro Manila, dumalo rin sa aktibidad ang mga kawani mula sa Pampanga at Tanay, Rizal—patunay sa pagtupad ng layunin ng PoW na gawing mas accessible, simple, at episiyente ang procurement process para sa mga ahensiyang malayo sa PS-DBM Main Office sa Paco, Manila.
Bukod sa mga nag-pre-order at bultuhang bumili ng CSE para sa kani-kanilang mga ahensya, marami rin ang mga walk-in clients na bumisita sa retail store upang bumili ng mga gamit para sa personal na pangangailangan. Tampok din sa aktibidad ang merchants’ booths at display ng motor vehicles, kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang mga dumalong kawani na makita at masuri nang mabuti ang ilan sa mga available na produktong iniaalok ng PS-DBM.
Sa kaniyang mensahe, kinilala ni PS-DBM Executive Director Genmaries “Gen” Entredicho-Caong ang mahalagang pakikipagtulungan ng Quezon City Government sa matagumpay na pagsasagawa ng PoW sa kanilang lungsod.
Nagbigay rin ng mga mensahe ng pagsuporta sina Quezon City Vice Mayor Gian Carlo Sotto at DBM Acting Secretary Kim Robert De Leon. Binigyang-diin nila ang kahalagahan ng mga inisyatibong naglalapit ng mga serbisyo ng pamahalaan sa mga ahensiya at mamamayan, habang isinusulong ang mas episiyente at makabagong sistema ng public procurement.
Maraming salamat sa inyong pagtangkilik sa PS-DBM on Wheels in Quezon City.
Bili na at Bili pa sa PS-DBM!
