Sa kanyang panayam sa radio program ng Usapang Budget Natin, na ginanap nitong April 26, 2024, binigyang-diin ni Procurement Service - Department of Budget and Management (PS-DBM) Executive Director (ED) Dennis S. Santiago na prayoridad ng kasalukuyang administrasyon ang pagsasabatas ng mga iminumungkahing amyenda sa procurement law ng bansa — na siya namang mariing ding sinusuportahan ni DBM Secretary Amenah F. Pangandaman.
Kasama sina DBM Undersecretaries Goddes Hope Libiran at Jojit Basilio bilang mga program hosts, iginiit ni ED Santiago ang pangangailangan ng gobyerno na tuluyang amyendahan ang Republic Act 9184, o mas kilala sa tawag na Government Procurement Reform Act, upang iangkop ang public procurement ng Pilipinas sa makabagong panahon.
“Marami nang modes of procurement na hindi na akma sa ating procurement environment. Sa tulong ng Kongreso natin, maraming mga pagbabago ang ini-introduce lalo na sa procurement modalities upang mas maigi at maagap na makakabili ang mga ahensya ng gobyerno,” saad niya.
Bukod dito, ibinahagi rin ni ED Santiago na ang panukalang New Government Procurement Act (NGPA) ay may mga probisyon hinggil sa konsepto ng fit-for-purpose procurement at ng proportionality in the use of procurement modalities, na naglalayong siguruhin na tugma sa sitwasyon ang pipiliing procurement mode ng ahensya.
“Competitive bidding is just one of the many modes of procurement… hindi na siya primary mode. Nag-introduce din ng ibang mga modalities na akma sa sitwasyon o mga pangyayari sa mga ahensya ng gobyerno,”ayon kay ED Santiago.
Bahagi rin ng talakayan ang iba pang inisyatibo ng PS-DBM upang paigtingin ang mas maayos at epektibong procurement process sa bansa, na siya ring kasama sa pagbabalangkas ng NGPA. Kabilang dito ang mga hakbangin ng ahensya tungo sa digital transformation at sustainable/green public procurement (SPP/GPP).
Pagbabahagi ni ED Santiago, patuloy ang modernisasyon ng Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS), na sa nalalapit na panahon ay maglulunsad ng electronic marketplace platform, o eMarketplace, at magsisilbing primary eCommerce platform ng gobyerno. "Para ho siyang Shopee o Lazada ng gobyerno... Lahat ng mga government agencies, pwedeng bumili roon. Kami naman sa PS-DBM, kinakwalipika namin kung anong goods ang pwede ilagay roon.”
Patungkol naman sa SPP/GPP, ipinaliwanag ni ED Santiago ang mahalagang gampanin ng pamahalaan sa pagtataguyod ng sustainable procurement bilang pinakamalaking buyer sa bansa. Sa pamamagitan ng integration of green parameters sa technical specifications ng mga ipinagbibili nitong Common-use Supplies and Equipment (CSE), nakaaambag ang PS-DBM sa pagsasakatuparan ng United Nations Sustainable Development Goals, partikular ang Goal No. 12, o sustainable production and consumption.
“Imagine the magnitude and impact when the government buys green… The whole government will be approaching public procurement sustainably… The market will also shift the paradigm,” saad ni ED Santiago.
Bilang pagtatapos, ibinahagi ni ED Santiago ang estado ng pagsasabatas ng NGPA. Ayon sa kanya, nadinig na ito sa mababang kapulungan ng Kongreso. Samantalang nasa period of interpellation naman ito sa Senado. Umaasa si ED Santiago na maipasa ang panukalang batas bago matapos ang taon, lalo’t ikinokonsidera itong priority bill ng presidente.
Naging oportunidad din ang panayam ni ED Santiago upang personal niyang pasalamatan si Sec. Pangandaman — na nito lamang ay kinilala bilang isa sa mga highest-rated cabinet officials ng administrasyon, at nanguna sa pagdiriwang ng 88th Anniversary ng DBM nito ring Biyernes.
“We in PS-DBM are so happy, proud, and very fortunate dahil sa suporta po ninyo sa amin… Gagawin po namin ang dapat naming gawin… Maraming salamat po sa inyong pagtitiwala sa PS-DBM,” pagtatapos ni ED Santiago.
Balikan ang panayam ng Usapang Budget Natin kay ED Santiago rito.